Inihayag ni Transportation Secretary Arthur ang programang libreng-sakay para sa mga bakunadong APOR o authorized persons outside of residence sa Metro Rail Transit 3 (MRT-3), Light Rail Transit 2 (LRT-2) at Philippine National Railways (PNR) simula sa Agosto 3 hanggang 20, 2021.
Sa pahayag nitong Lunes, sinabi ni Tugade na kailangan lang ipakita ng APORs ang kanilang vaccination cards na magpapatunay na bakunado na sila kahit first dose lang ng COVID-19 vaccine.
Samantala, sinabi rin ng kalihim na magbibigay naman ang Philippine Ports Authority (PPA), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), at Manila International Airport Authority (MIAA), ng libreng kape, tubig at snacks sa mga bakunadong pasahero na maghihintay ng kanilang biyahe sa mga paliparan at pantalan.
Hiikayat din umano ni Tugade ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na ipagpaliban ang paniningil ng terminal fee sa mga bus simula sa Lunes, Agosto 2.
"Ang inisyatibong ito ay napagkasunduan ng buong Kagawaran ng Transportasyon upang makatulong sa pagpapanatili ng kalusugan at kaligtasan ng ating mga kababayan, at upang matulungan ang gobyerno na mahikayat ang ating mga kababayan na magpabakuna," patuloy ng kalihim.
Isasailalim ang Metro Manila sa mas mahigpit na enhanced community quarantine classification sa Agosto 6 hanggang 20 dahil sa banta ng mas nakahahawang Delta coronavirus variant.—FRJ, GMA News