Hiniling ni Deputy Speaker Camille Villar (Las Piñas) kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipagkaloob ang Philippine Legion of Honor kay Olympics gold medalist Hidilyn Diaz. Ang Armed Forces of the Philippines, itinaas ang ranggo ni Diaz, bilang isang military reservist.
"It is high time to confer to the four-time Olympian the Philippine Legion of Honor (Lehiyong Pandangal ng Pilipinas) for her heart-warming victory and for uplifting national glory and pride in the world sports stage,"sabi ni Villar sa House Resolution No. 2020.
Bukod sa kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympic, sinabi ni Villar na nagbigay din si Diaz ng inspirasyon sa mga Filipino sa ipinakita niyang dedikasyon at sakripisyo.
Simbulo umano ng pag-asa at pagkakaisa si Diaz, at nagbigay ng malaking karangalan sa bansa sa nagamit na tagumpay sa larangan ng isport.
Ang Philippine Legion of Honor, ang itinuturing na pinakamataas na parangal na ibinibigay ng Pangulo sa isang tao na hindi na kailangang dumaan sa Kongreso, ayon sa mambabatas.
Ang panalo ni Diaz ay nagbigay sa Pilipinas ng kauna-unahang medalyang ginto mula nang sumali ang bansa sa Olympic noong 1924.
Samantala, inihayag ni Armed Forces of the Philippines chief Cirilito Sobejana, na isa nang "staff sergeant" ang ranggo ni Diaz bilang reservist sa Philippine Air Force.
“The Philippine Air Force through its Commanding General approved the promotion of Sgt Hidilyn Diaz effective 27 July 2021 to the rank of Staff Sergeant,” anang opisyal.
“We laud and support this move at the General Headquarters to mark SSg Diaz’ remarkable achievements in the field of sports and for bringing pride and glory to our country," sabi pa ni Sobejana.
Ayon kay Sobejana, ipinagmamalaki ng AFP ang naging tagumpay ni Diaz.--FRJ, GMA News