Para patunayan na hindi "watusi" ang pasabog niya sa umano'y katiwalian na nagaganap sa ilang ahensiya ng gobyerno, sinabi ni Senador Manny Pacquiao na maglalabas siya ng katibayan na video at audio recording.
Sa panayam ng Super Radyo dzbb nitong Biyernes, sinabi ni Pacquiao na ilalabas niya ang video at audio recording kapag bumalik na siya sa Pilipinas matapos ang laban niya kay Errol Spence Jr. sa Amerika sa Agosto.
“Alam mo natatawa lang ako. Sabi nila ‘watusi.’ Natatawa nga ako, watusi. Sige, pagdating ko diyan, watusi pala, ipapalabas ko video, audio recording — kung papayag lang maipalabas pati audio recording,” ayon sa senador.
Una rito, minaliit lang at tinawag na "watusi" ni presidential spokesperson Harry Roque ang ginawang pagbubunyag ni Pacquiao sa umano'y katiwalian sa gobyerno--kabilang na ang Department of Social Welfare and Development, Department of Health, at Department of Energy.
Muli ring iginiit ni Pacquiao na hindi siya nakikipag-away kay Pangulong Rodrigo Duterte, at sa halip ay nais niyang tumulong na masawata ang katiwalian sa administrasyon nito.
“Hindi ako nakikipag-away sa Pangulo. Hindi ako nakikipag-away sa 'yo, Mr. President. Ang alam ko ayaw mo rin ng korupsyon. Kahit ilan beses tayong nag-uusap Mr. President lagi kong sinasabi sa'yo na ayaw ko ng corruption,” ani Pacquiao.
Nitong Huwebes, naghain ng resolusyon si Pacquiao para hilingin sa Senado na imbestigahan ang kabiguan umano ng DSWD na maipamahagi ang P10.4 bilyong pinansiyal na ayuda sa mga mahihirap.
Nauna nang itinanggi ng DSWD ang alegasyon at sinabing handa silang humarap sa anomang imbestigasyon.
Banat kay Quiboloy
Samantala, binatikos naman ni Pacquiao ang lider ng Kingdom of Jesus Christ na si Apollo Quiboloy, dahil sa pag-akusa sa kaniya ng katiwalian sa isang infrastructure project sa Sarangani.
Sinabi ng senador, nag-imbento si Quiboloy at mga tauhan nito ng kuwento na mayroon siyang P3.5 bilyon na proyekto. Pero ang larawan na ginamit umano sa akusasyon ay gusali na ginawa noong pang 1996.
“Hindi kinunan yung mga bagong building na nagawa. Actually, ang budget talaga noon, nasa mga P350 to P400 million or pinaka-maximum na 500 million. ‘Yun yung training center ng Saranggani, ‘yung may batas. Hindi P3.5 [bilyon],” giit niya. —FRJ, GMA News