Naghain na ng resolusyon si Senador Manny Pacquiao upang pormal na hilingin sa Senado na imbestigahan ang kabiguan umano ng Department of Social Welfare and Development na ipamahagi ang P10.4 bilyong halaga ng Social Amelioration Program funds o "ayuda."
“There is an urgent need to look into this anomaly to untangle the web of corruption involving DSWD and Starpay which has robbed our people of economic resources and denuded the government of its basic capacity to provide a lifeline to the vulnerable segment of the society that has been hit the hardest by the current pandemic,” sabi ni Pacquiao sa inihaing Senate Resolution 779.
Una rito, kinuwestiyon ni Pacquiao ang paggamit ng DSWD sa e-wallet service na Starpay sa pamamahagi ng ayuda dahil kailangan pa umano i-download ang app o application nito para makatanggap at makuha ang ayuda.
Ngunit ayon kay Pacquiao, sa tinatayang 1.8 milyon na tao na dapat mabigyan ng ayuda, nasa 500,000 lang ang nakapag-download ng Starpay application.
“This means around 1.3 million projected beneficiaries were unable to download the said e-wallet application and therefore could not have electronically received through Starpay the subsidy amounting to P10.4 billion earmarked for them. However, records from the DSWD show that all of these payouts have already been completed,” paliwanag ni Pacquiao sa resolusyon.
Dati nang itinanggi ng DSWD ang akusasyon na nagkaroon ng iregularidad sa pamamagi ng ayuda.
"All aid distributed is supported by liquidation reports that can be shared, if necessary. The agency ensures that the processes adopted by FSPs (financial service providers) on payouts are in accordance with BSP (Bangko Sentral ng Pilipinas)-approved processes and existing government accounting rules and procedures," ayon sa pahayag ng DSWD.
Idinagdag ng DSWD na tinapos nila ang paggamit ng FSPs, kabilang Starpay, at noong April 2021 ay nagsagawa sila ng mano-manong pamamahagi ng pinansiyal na tulong sa mga hindi pa naibibigay na second tranche.
Nakahanda rin ang ahensiya na humarap sa anomang imbestigasyon.
Hanggang nitong July 2, 2021, sinabi ng DSWD na 14.88 million low-income families ang nakatanggap ng second tranche ng ayuda na kinapapalooban ng P89.8 bilyong pondo na naipamahagi.
Samantala, P98 bilyon naman ang naipamahagi para sa mahigit 17 milyong mahihirap na pamilya na nakatanggap ng first tranche ng ayuda.
Ang alegasyon ni Pacquiao tungkol sa umano'y katiwalian sa ilang ahensiya ng pamahalaan ay hindi ikinatuwa ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hinamon ng pangulo ang senador na patunayan ang mga alegasyon.--FRJ, GMA News