Ilang sasakyan ang nabangga, at ilang inosente ang nasugatan sa ginawang paghabol ng mga pulis sa isang lalaking sakay ng kotse mula sa Quezon City hanggang Maynila.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang inarestong lalaki na si Arvin Tan, na unang inireklamo sa isang hotel sa Timog, Quezon City dahil sa panghihingi ng pera.
Nang dumating ang mga pulis matapos tumawag ang manager ng hotel, tinangkang tumakas ni Tan sakay ng kotse.
Dito na nagsimula ang habulan kung saan ilang sasakyan ang binangga ni Tan hanggang umabot sila sa Legarda sa Maynila.
Sa isang bahagi ng pagpigil kay Tan, pinaputukan siya ng mga pulis pero isang pulis ang tinamaan nang mag-ricochet o tumalbog ang bala.
Nakaligtas naman ang naturang pulis.
Nang mahuli na at madala sa Quezon City Police District (QCPD) Station 10 ang suspek, nagisisigaw pa rin siya at nagwawala.
Itinanggi niya na tatakasan niya ang hotel kung saan siya unang nagwala.
Dinala rin sa ospital si Tan para alamin kung lasing o lango siya sa ilegal na droga.
Nagtungo rin sa himpilan ng pulisya ang mga motorista na binangga ni Tan.
Ang isa raw sa mga nabangga ni Tan, nakaratay sa ospital dahil sa pinsalang tinamo sa katawan.
Sa hiwalay na ulat sa Super Radyo dzBB, sinabing isang ID ang nakuha mula kay Tan na may nakalagay na Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa panayam ng GMA News Online, sinabi ni DILG Undersecretary Martin Dino, beberipikahin nila kung kawani ng ahensiya si Tan.
Samantala, aalamin naman ng pulisya ang iba pang katulad na reklamo laban kay Tan. — FRJ, GMA News