Nahuli sa CCTV ang ginawang pag-agaw ng mga salarin sa cellphone ng isang lalaki sa Legarda Street sa Maynila. Ang mga suspek na nahuli kinalaunan, humingi ng tawad nang malamang pamangkin ni President Rodrigo Duterte ang kanilang biniktima.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV ng Barangay 390 sa Maynila ang paglalakad ng isang lalaki sa bangketa ng Legarda Street mag-11 p.m. noong Huwebes, Hulyo 8.

Ilang saglit pa, isang tricycle ang tumigil sa tabi ng lalaki, at bumaba ang isang sakay para agawin ang cellphone ng biktima.

Nakipag-agawan pa ang biktima sa mga nakatakas na suspek at hindi niya nabawi ang kaniyang cellphone.

Nitong Lunes, nahuli ng Don Bosco Police ang mga suspek na sina Lauro Manlapig at Angelo Maniquez sa Tondo, matapos na masangkot sa riot.

Ayon kay Police Lieutenant Rowell Robles, commander ng Don Bosco PCP, MPD, bukod sa dalawang sumpak, may nakuha ring cellphone sa dalawa.

Inamin ng mga suspek na ninakaw nila ang cellphone sa Mendiola at doon na binalikan ang insidente ng pang-aagaw sa cellphone ng lalaking nabiktima sa Legarda.

Nakumpirma naman na ang dalawang suspek ang sangkot sa naturang pang-aagaw ng cellphone nang magpunta sa presinto ang kanilang biniktima.

Hindi na nagbigay pa ng pahayag ang biktima na pamangkin nga ni Duterte ayon kay Metro Manila police chief Police Major General Vicente Danao Jr.

 

"Pamangkin nga po niya (Duterte) 'yan. He just came home from work yata and then going home. Nu'ng nakuha 'yung cellphone, tumakbo. Inireklamo na niya, at ipinakiusap niya na kung puwedeng ma-recover yung cellphone na yun dahil ginagamit nga sa trabaho," ani Danao, na dating hepe ng Davao Police noong mayor si Duterte roon, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Saksi.

Sa blotter ng Barbosa Police Station na nakasasakop sa pinangyarihan ng krimen, nakita na may isang lalaking edad 24 na may middle name na "Roa," ang nabiktima ng snatching sa parehong lugar, petsa at oras na nakunan ng CCTV.

Naganap ang insidente malapit sa Mendiola, hindi kalayuan sa Malacañang.

"Humihingi po kami ng tawad sa tao na 'yun, sa kamag-anak po niya. Kailangan lang po eh sa pamilya, sa pera," anang suspek na si Manlapig.

"Pasensiya na po talaga, sir. Kasi nasa dilim lang siya tapos dumadaan lang," sabi ni Maniquez.

Sinabi ng barangay na hindi ito ang unang beses na may nabiktima ng snatching sa nabanggit na lugar kaya paiigtingin nila ang seguridad. —Jamil Santos/FRJ/KG, GMA News