Nasawi ang isang bata nang masagasaan siya ng bus na kaniyang binato diumano sa northbound ng EDSA Bus Carousel ngayong Huwebes ng umaga.
Sa ulat ng InterAgency Council for Traffic (IACT), sinabing nangyari ang insidente sa pagitan ng MRT-3 Santolan at Ortigas station dakong 9:00 am.
Ayon sa ilang saksi, tinatahak ng bus ang pa-norteng bahagi ng carousel nang biglang batuhin umano ang bata ang bus na dahilan para bahagyang mabasag ang kaliwang parte ng windshield nito.
Akmang tatakbo na palayo ang bata palabas ng carousel nang mahagip siya at pumailalim sa bus na pabagal na ang takbo.
Tumigil naman ang bus at tumawag ng tulong ang driver.
Kaagad na rumesponde ang marshals ng I-ACT Dragon, kasama ang emergency response units ng Quezon City, Philippine National Police at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pinangyarihan ng aksidente.
Gayunman, hindi na naabutang buhay ang bata na nakaipit sa ilalim ng bus.
Wala namang iba pang nasaktan sa insidente.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng bata.--FRJ, GMA News