Binatikos ni Davao City Mayor Sara Duterte si Vice President Leni Robredo dahil sa pahayag ng huli tungkol sa dumadaming kaso ng COVID-19 sa nabanggit na lungsod.

Sa pahayag nitong Lunes, sinabi ni Duterte na hindi dapat nagbibigay ng payo si Robredo, “if she knows nothing about what is happening on the ground.”

“This has been the hallmark of her term as VP, where she puts forth comments on matters and affairs she lacks understanding and knowledge on and does not offer anything helpful to solve a problem,” anang alkalde.

Sa kaniyang programa sa radyo nitong Linggo, sinabi ni Robredo na nakakaalarma ang pagdami ng COVID-19 cases sa Davao.

“Ang number one, Davao. Medyo nakaka-alarm ito kasi mas mataas siya kesa Quezon City. So the mere fact na mas mataas siya, mas alarming iyon kasi mas kaunti ang kanyang (Davao) population,” anang pangalawang pangulo.

Dapat umanong tularan ang ginawa ng Cebu City na dating nakaranas ng pagsipa rin ng mga kaso ng COVID-19.

Una rito, sinabi ng Malacañang na hindi tama na ikumpara ang Davao City sa Quezon City pagdating dati ng daily ng COVID-19 cases.

Batay sa pagmomonitor ng OCTA Research, sa unang bahagi ng Hunyo ay nahigitan na ng Davao City ang dami ng mga COVID-19 daily cases ng Quezon City.

Bunga nito, isinailalim ng pamahalaan ang Davao City sa modified enhanced community quarantine mula June 5 hanggang 20.

Sa kabila ng pagdami ng mga kaso sa nabanggit na lungsod, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi naman ang Davao ang bagong “epicenter” of COVID-19.

Pero patuloy ang masusing pagsubaybay sa sitwasyon sa Davao City dahil sa mataas na kaso ng hawahan sa lungsod.

Ayon kay Robredo. dapat tingnan ng Davao City ang ginawa ng Cebu para tugunan ang pagtaas nila noon ng COVID-19 cases.

“Makakatulong na tingnan kung anong ginawa sa Cebu. Kasi kung titingnan mo ngayon na nag-spike na, sa Cebu parang controlled, ‘di ba? Parang controlled and marami ang ginawa—ang partnership doon hindi lang talaga LGU pero very active doon ang medical community…So tingin ko ang mga lesson sa Cebu, ganoon din. Makakapulot ng aral ang Davao,” sabi ni Robredo.

Pero ayon kay Duterte, malaki ang itinutulong ng private sector para tugunan ang problema ng lungsod nila sa COVID-19 cases.

“The VP should not attack the medical community of Davao City as being inactive when they have been silently suffering and working tirelessly to help save lives since March of last year,” anang alkalde.

Iginiit pa ni Duterte na dapat buksan ni Robredo ang mga mata para makita niya ang dahilan ng mga pagtaas ng kaso ng COVID-19 cases sa mga lokalidad sa buong mundo. 

Anang alkalde, ang pagdami ng hawahan na 85% ng mga kaso ay asymptomatic ay dahil sa mas pinaigting na COVID-19 testing, na sinamahan ng [contact] tracing at isolation/quarantining.

Dapat umanong iwasan ni Robredo na gamitin ang COVID-19 cases surge ng Davao City sa pamumulitika nito, ayon kay Duterte.

“There will be a proper time to attack my performance as an LCE in this pandemic if she dares to run for President,” anang alkalde.

Samantala, hinihintay pa ng GMA News Online ang tugon ni Robredo tungkol sa naging pahayag ni Duterte.—FRJ, GMA News