Humingi ng paumanhin si Vaccine czar Carlito Galvez Jr. sa ilang lokal na pamahalaan na atrasado ang pagdating ng COVID-19 vaccines. Pero may paparating umanong 11 milyong doses ngayong Hunyo.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GTV “Balitanghali” nitong Miyerkules, sinabi ni Galvez na inaasahang magiging normal na muli ang suplay ng mga bakuna sa June 14.
Nagkaubusan umano ng bakuna matapos tumaas ang pangangailangan ng bakuna sa buong mundo.
Gayunman, ngayong buwan ay may darating 5.5 million doses ng Sinovac vaccine, 1 million doses ng Sputnik V, 250,000 doses ng Moderna, mahigit 2.2 million doses ng Pfizer-BioNTech, at 2 million doses ng AstraZeneca vaccine.
Ang 2.2 million doses ng Pfizer vaccine at 1 million doses ng Sinovac vaccine ay inaasahang darating sa Huwebes.
Sa Hulyo, inaasahan naman na mahigit 12 million doses ng bakuna ang darating.
Magiging prayoridad umano sa pagbibigay ng bakuna ang mga lalawigan sa labas ng National Capital Region Plus dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19.
Ayon kay Galvez, 60% ng bakuna na darating ngayong Hunyo ay ibibigay sa mga lalawigan, habang 40% naman sa NCR Plus.
Sa Antipolo City, itinigil ng lokal na pamahalaan ang pagbabakuna sa mga nakatatanda at A3 priority group dahil naubusan na ng bakuha, sa harap ng pagsisimula na bakunahan ang A4 category.
“Nabalitaan po natin from DOH na may darating po na 7,800 doses ngayong araw. Malaking bagay po at malaking tulong po ‘yan 7,800 pero bukas na bukas din po, ubos agad ‘yung 7,800,” ayon kay Antipolo spokesperson Jun Ynares. --FRJ, GMA News