Tumaas ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho noong Abril na umabot sa 4.14 milyon, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang pagdami ng mga walang trabaho nitong Abril kumpara sa 3.44 milyon noong Marso ay nangyari sa panahon na ibinalik sa mas mahigpit na community quarantine ang Metro Manila at mga kalapit na lalawigan na Cavite, Laguna, Rizal, at Bulacan.
Tumagal ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa tinawag na NCR Plus mula Abril 12 hanggang Abril 30.
Ang NCR region ang nakapagtala ng pinakamataas na unemployment rate sa naturang buwan na 14.4%, o katumbas ng 875,000 jobless Pinoy.
Mas mataas ito sa 506,000 unemployed noong Enero.
Ayon kay national statistician Claire Dennis Mapa, ang unemployment figure sa NCR noong Abril ang ikalawang pinakamataas na naitala, sunod sa 15.8 percent noong Hulyo 2020.
Nakapagtala rin ng malaking pagtaas ng unemployment rate sa Region II o Cagayan Valley noong Abril na 13.4% kumpara sa 6.0% noong Enero.
Tumaas din ang underemployment rate — o mga employed person na nagdagdag ng oras ng trabaho, o may iba pang trabahi— na umabot sa 17.2% noong Abril mula sa 16.0% noong Enero.
Ang lockdown dahil sa mahigpit na quarantine restriction ang pangunahing dahilan ng pagkawala ng trabaho ng marami na 61.7%.
Sumunod ang health and medical limitations na 6.4%, pagbabawas sa trabaho (6.2%), variable working time (6.1%), personal reasons (5.6%), at iba pang dahilan (4.2%).
Naitala ang employment rate sa 91.3% mula sa 92.9% noong Marso. Halos hindi ito naiiba sa employment rate nong October 2020, at January at February 2021. --FRJ, GMA News