Arestado sa Pasay City nitong Lunes ang lider ng Odtuhan group na sangkot sa ilegal na droga.
Kinilala ang suspek na si Eleanor Odtuhan, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Martes.
Nahuli ang suspek sa buy-bust operation na isinagawa sa Pasay City Public Cemetery.
Tinangka pa ng suspek na tumakas ngunit naabutan ito sa bahay ng SK chairman na si Archie Gabriel ng Barangay 189, Pasay City.
Noong una ay itinanggi ni Gabriel na nakita ang suspek ngunit inaresto rin siya ng mga pulis.
Ayon kay Police Colonel Cesar Paday-os, hepe ng Pasay Police, ilang beses nang inaresto si Odtuhan noon kaugnay sa ilegal na droga, pero nakakapagpiyansa raw ito kaya nakakabalik sa dating kalakalan.
Pitong gramo ng shabu at drug paraphernalia ang nakuha sa suspek, ayon kay Paday-os.
Sabi pa ni Paday-os, ang Odtuhan drug group ang hinihinalang source ng ilegal na droga ng mga suspek na nahuli ng Pasay Police.
Layon daw ng pulisya na ma-neutralize ang Odtuhan drug group, dagdag pa niya.
Mahaharap sa kasong violation ng Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) si Odtuhan, samantalang obstruction of justice naman ang isasampang kaso kay Gabriel.
Tumangging magbigay ng pahayag si Odtuhan at Gabriel. —KG, GMA News