Bugso ng damdamin ng ina ang namayani sa isang pulis nang makita ang isang umiiyak na sanggol habang nagsasagawa sila ng feeding program sa Quezon City. Ang pulis, nilinisan ang sanggol at nag-breastfeed.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GTV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing nagsagawa ang Anonas Police Station 9 ng clean-up drive at feeding program sa Barangay Old Capitol Site nang mapadaan si Lieutenant Jean Aguada sa isang barong barong.
Ayon kay Aguada, naglalakad sila patungo sa lugar nang makarinig sila ng malakas na iyak ng sanggol, kaya agad niya itong nilapitan.
"'Yung kamay niya is naka-clench na dahil sa gutom na siguro. Siyempre bugso ng damdamin ng ina, maaawa ka talaga. Nakita ko pa na 'yung diaper niya punong puno na ng dumi. So nilinis," sabi ni Aguada, hepe ng Community Relations ng PS9.
Walang alinlangang pinadede ni Aguada ang sanggol nang makitang mga kapatid lang ang kasama nito, na isa at dalawang taong gulang lamang.
Napag-alaman na nagpapasuso rin si Aguada ng kaniyang walong-buwang-gulang na anak.
"Parang nai-transfer 'yung pagmamahal sa anak ko, naisip ko 'yung bata. Kasi parang anak ko na rin 'yung nakita ko," sabi ni Aguada.
Tumagal ng mahigit 30 minuto ang pagdedede niya sa sanggol bago dumating ang mga magulang ng mga bata.
Pinagsabihan naman ng mga awtoridad ang mga magulang kung bakit nila iniwan ang mga bata.
Hindi inakala ni Aguada na magba-viral ang kaniyang kuwento at aani ng papuri mula sa netizens.
"Kagustuhan ko lang na mabigyan ng pansamantalang kalinga 'yung bata, plus the fact na nasa serbisyo tayo," anang hepe.
Hinangaan at sinaluduhan ni PNP Chief Police Lieutenant General Guillermo Eleazar ang ginawa ni Aguada.--Jamil Santos/FRJ, GMA News