Inaresto ng mga awtoridad nitong Sabado ang tatlong suspek sa pagpatay at panghahalay umano sa 21-anyos na transgender man sa Quezon City.

Sa ulat ni Rod Vega sa Super Radyo DZBB, inilahad na base sa inisyal na impormasyon ng Quezon City Police District, inaresto ang dalawang suspek sa pagpatay kay Ebeng Tria bago magtanghali.

 

 

Nahuli ang dalawang suspek matapos silang ituro ng kanilang kasamahan, na inimbitahan Biyernes ng gabi para rin sa imbestigasyon sa Payatas, Quezon City.

Bago nito, ikinuwento ng isang kaibigan ni Tria na sumama pa sa paghahanap sa biktima ang naunang suspek. Hindi ito pinauwi ng pulis nang malamang isa siya sa mga huling nakasama ng biktima. Kalaunan daw ay umamin ito sa krimen.

Nakita ang bangkay ni Ebeng Tria sa Bagong Silang nitong Huwebes, ilang araw matapos siyang magpaalam sa ina na gagala lang.

Ayon naman sa kapatid ni Ebeng na si Rachelle Tria, nagpaalam ang biktima noong Lunes na makikipag-inuman sa mga kaibigan dahil may problema sila ng kanyang live-in partner sa Pampanga. -Jamil Santos/MDM, GMA News