Lumitaw sa isang pag-aaral ng United Nations (UN) na mataas ang peligro na magka-stroke o magkasakit sa puso ang taong nagtatrabaho ng 55 oras o higit pa sa loob ng isang linggo.
Ayon sa Agence France-Presse, sinabing nakasaad ito sa ulat ng World Health Organization and International Labor Organization agencies ng UN.
Isinagawa ang pag-aaral kaugnay sa posibleng pagbabago ng sistema sa mga pinagtatrabahuhan dahil na rin sa COVID-19 pandemic.
Ang WHO-ILO study na inilathala sa Environment International journal, ang unang global analysis tungkol sa peligro sa buhay at kalusugan ng mahabang oras ng pagtatrabaho.
Hindi nakatuon sa panahon ng pandemic ang pag-aaral kung hindi sa mga darating na panahon. Pinagsama-sama ng mga may akda ng pag-aaral ang mga datos na nakuha na nilahukan ng daang-libong partisipante.
"Working 55 hours or more per week is a serious health hazard," sabi ni Maria Neira, director ng environment, climate change and health department ng WHO.
"It's time that we all—governments, employers, and employees—wake up to the fact that long working hours can lead to premature death," dagdag niya.
Lumitaw sa pag-aaral na kumpara sa mga nagtatrabaho ng 35 hanggang 40 oras sa loob ng isang linggo, ang mga pagtatrabaho ng 55 oras o higit pa sa loob ng isang linggo ay mas mataas ng 35-porsiyento ang peligro na ma-stroke, at 17-porsiyento na mas mataas ang posibilidad na mamatay sa ischemic heart disease.
Tinataya ng WHO at ILO na noong 2016, nasa 398,000 katao na nagtatrabaho ng 55 oras sa isang linggo ang namatay sa stroke at 347,000 naman dahil sa sakit sa puso.
Sa pagitan ng taong 2000 at 2016, ang mga namatay dahil sa heart disease na may kaugnay sa matagal na oras ng pagtatrabaho ay tumaas ng 42 porsiyento, habang 19 na porsiyento naman ang itinaas ng mga na-stroke.
Karamihan sa mga namatay ay nasa edad 60 hanggang 79, na nagtrabaho umano ng 55 oras o higit pa sa isang linggo noong ang edad nila ay nasa 45 hanggang 74.
"With working long hours now known to be responsible for about one-third of the total estimated work-related burden of disease, it is established as the risk factor with the largest occupational disease burden," ayon sa WHO.
Sinabi rin ni WHO director-general Tedros Adhanom Ghebreyesus, na malaki rin ang epekto ng COVID-19 pandemic sa pagtatrabaho ngayon ng mga tao.
"Teleworking has become the norm in many industries, often blurring the boundaries between home and work. In addition, many businesses have been forced to scale back or shut down operations to save money, and people who are still on the payroll end up working longer hours.
"No job is worth the risk of stroke or heart disease. Governments, employers and workers need to work together to agree on limits to protect the health of workers," ayon sa opisyal. — AFP/FRJ, GMA News