Ilang driver at konduktor ng pampasaherong bus sa EDSA ang namamalimos na raw dahil sa kawalan ng kita, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Lunes.
Nagsimula raw ito mula nang gawing libre ang pamasahe ng authorized persons outside of residence o APOR sa EDSA Carousel Bus may isang buwan na ang nakararaan.
Kung dati raw sumasampa ng bus ang mga driver at konduktor para maningil ng pamasahe ngayon sumasampa sila para mamalimos.
"Limang linggo na kaming ginugutom ng gobyerno kaya ngayon humihingi kami ng tulong-suporta," ani Philip Elequin, isang konduktor. "Labag man sa kalooban namin ito, kapit na kami sa patalim."
Daing ng mga apektadong driver at konduktor, mula nang nagkaroon ng libreng sakay ay hindi na sila pinapasok sa trabaho. Wala rin daw programa ang gobyerno para sa kanila.
"May mga pamilya din naman kami na nagugutom, kumakain," sabi ni Edmel Salisad, isang konduktor na may tatlong anak at may asawang buntis.
Maraming bus daw ang hindi na bumibiyahe dahil wala nang pang-abono sa krudo ang mga operator nito.
Wala pang sagot ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa hinaing ng mga driver at konduktor.
Una nang sinabi ng LTFRB na ang libreng sakay para sa mga APOR ay bahagi ng kanilang service contracting program na layong suportahan ang mga PUV o public utility vehicles. —KBK, GMA News