Nahuli na ang suspek sa pamamaril umano sa isang 15-anyos na binatilyo na tumanggi sa kaniyang utos sa Pasig City.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa "Dobol B sa News TV" nitong Sabado, kinilala ang suspek na si Anwar Pascan E. Piang, 19-anyos o mas kilala bilang si "Alias Negro."
Nadakip si Piang sa follow-up operation ng Pasig Police sa pangunguna ni Police Staff Sergeant Joselito Sedeño sa night market sa Pasay City.
Nabawi ng Pasig City Police ang baril na ginamit umano ng suspek sa pagbaril sa Grade 7 student na si Richard Misa.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni Piang na aksidente niya lamang na nabaril ang biktima.
Nasa kustodiya na ng Pasig City Police Criminal Investigation Division si Piang, habang kinukunan pa ng GMA News ng pahayag ang suspek.
Ayon sa magulang ng biktima, nauutusan ng mga kapitbahay ang kaniyang anak kapalit ng ibinibigay na barya.
"Kahit anong bagay po, inuutusan, sumusunod po 'yan," sabi ng ama ng biktima na si Raul Misa.
Pero nitong Miyerkules, batay sa kuwento ng saksi, ilang beses daw inutusan ng suspek na si "Alias Negro" ang biktima para bumili ng kung ano-ano pero nang mapagod ay tumanggi na ito.
Nagalit umano ang suspek at naglabas ng baril, dahilan para mabaril si Misa. —Jamil Santos/LBG, GMA News