Hinarang ng mga tauhan ng Manila Police District ang caravan ng mga jeepney lulan ang mga manggagawang lalahok sa pagtitipon para sa mga aktibidad sa pagdiwang sa International Workers' Day o Labor Day 2021 sa Maynila.
Iniulat ng Dobol B TV na hinarang at na-impound na ng mga pulis-Maynila ang mga jeep at dinala ang mga driver sa MPD Station 4.
Ayon sa ulat, nangyari ang panghaharang sa panulukan ng España Boulevard at Blumentritt Street sa Sampaloc, Manila.
May kargang mga poster na may nakasulat na slogan na may kinalaman sa mga kahilingan ng mga manggagawa ngayong Araw ng Paggawa, ayon sa ulat.
Minabuti na lamang umano ng mga manggagawang lulan ng mga jeep na magkakad patungo sa may harapan ng University of Sto. Tomas, kung saan nagtipon-tipon ang ilang grupo ng mga manggagawa.
Bukod sa mga jeepney, may mga puting van din ang hinarang ng mga tauhan ng MPD sa may kahabaan ng España Boulevard.
Itinakda ng mga grupo ng manggagawa ang isang pagkilos para sa Labor Day 2021 sa Liwasang Bonifacio area sa Maynila na magsisimula dakong alas-nuwebe ng umaga. —LBG, GMA News