Sugatan at hindi makapagtrabaho ang isang security guard matapos mahagip ng isang SUV ang kaniyang paa sa Malate, Maynila. Ang driver ng SUV na rider ng motorsiklo ang talagang kaaway sa kalye..
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV kung papaano nahagip ng SUV ang paa ng security guard na si Elmer Guillermo.
Papasok na raw sana sa trabaho si Guillermo nang maghabulan sa kalye ng Barangay 762 ang motorsiklo at SUV.
Paakyat na sa bangketa ang biktima pero napatakbo siya sa gitna nang kalsada nang makita niyang gumilid ang motorsiklo.
Pagdating naman sa gitna nang kalsada ni Guillermo, biglang dumating ang SUV na tinangkang pinahan ang motorsiklo.
Mapatumba si Guillermo nang mahagip ng gulong ang isa niyang paa, na dahilan para hindi siya ngayon makapagtrabaho.
"Akala ko ako ang tutumbukin ng motor kaya bigla akong tumawid," sabi ng biktimang si Guillermo.
"Parang road rage po 'yung nangyari... May hinahabol na motorsiklo dahil sinita nu'ng rider 'yung may-ari na one way daw... Nu'ng nagsita po 'yung rider na 'One way ito,' sumagot naman o 'yung [driver] 'Papatayin kita,'" ayon sa kapitan ng Brgy. 763 ng Malate na si Jet Fabian.
Nakuha ang plaka ng sasakyan kaya nahanap ang may-ari nito. Pero hindi humarap sa barangay ang driver at nagpadala na lamang ng tao na nagsabing isa raw itong maimpluwensiyang negosyante.
"Sinasabi pa ho ng pinadalang tao na marami raw koneksiyon at kesyo marami raw kakilala, na huwag na raw ituloy ang pagrereklamo," ayon kay Fabian.
Nangyari ang insidente noong Biyernes Santo pero makalipas ang isang buwan, hirap pa ring makalakad si Guillermo matapos mabali ang mga buto sa dalawang daliri niya sa paa.
No work, no pay din si Guillermo na isang buwan nang hindi makapagtrabaho at walang kinikita.
Sinagot ng kampo ng driver ang gamutan at pagpapaospital ng biktime pero hindi ito naging sapat.
Nauna raw kasing napagkasunduan ng magkabilang-panig na sasagutin din ng driver ang kaniyang suweldo sa mga araw na hindi siya makabalik sa trabaho pero P2,000 pa lang ang ibinibigay sa kaniya.
"Magbigay lang ng dalawang libo eh mag-iisang buwan na po, hindi kakasiya ang dalawang libo. Ang hinahabol ko lang naman sana sa kaniya, magbigay siya kasi talagang obligasyon naman niya, usapan naman namin eh. Kasi ako puno na rin sa utang, may pamilya ako, wala akong trabaho," sabi ni Guillermo, na planong ituloy ang reklamo kung hindi tutupad ang driver sa kasunduan.
Nakuha ng GMA News sa barangay ang contact number ng kinatawan ng driver pero hindi pa ito sumasagot sa text message.--Jamil Santos/FRJ, GMA News