Arestado sa Maynila ang isang mag-ina na sangkot umano sa pangha-hack ng social media ng isang menor de edad, ayon sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Biyernes.
Kinikilan daw ng P10,000 ang biktima para hindi ipakalat ang maseselan niyang video.
Kinilala ang mga suspek na si Maricar Sena, na nahuli sa isang entrapment operation, at ang anak nitong si Jingky Joy Sena, na itinuturing na pangunahing target ng mga otoridad.
Ayon sa National Bureau of Investigation, nagulat na lang ang 17-anyos na biktima nang biglang ma-hack ang kaniyang Facebook account noong April 8.
Kinalaunan ay kinontak na siya ng mga suspek at hiningan ng P10,000 kapalit ng hindi pagpapakalat ng maseselan niya umanong video.
Humingi naman ng pasensya si Jingky Joy. Aniya, hindi niya alam kung bakit niya nagawa ang krimen.
Ayon naman kay Maricar, hindi niya alam na ang perang pinakukuha sa kaniya ng anak sa remittance center ay galing sa pangingikil. —KBK, GMA News