Nagpahayag ng suporta si Justice Secretary Menardo Guevarra na magkaroon ng batas para maparusahan ang mga nagsasagawa ng "red-tagging," o pag-uugnay sa tao bilang tagasuporta ng komunistang rebelde.

Sa isang panayam nitong Huwebes, inihayag ni Guevarra na "nakababahala" ang ilang insidente na may kaugnayan sa red-tagging.

“In the past few months, medyo sunod-sunod ang reklamo about red-tagging and people have raised their voice against it, so might as well have one because the frequency of this act loosely called ‘red-tagging’ has become quite disturbing,” sabi ni Guevarra sa panayam ng ANC.

Sa ngayon, sinabi ng kalihim na walang partikular na batas na magpaparusa sa mga taong sangkot sa red tagging.

Gayunman, maaari silang sampahan sa ibang kaso tulad ng libel, defamation, threat, at coercion.

“Maybe the best could be done is to file complaints which are somehow related but not directly fitting to the act being complained of,” sabi ni Guevarra.

Sa ngayon, wala pang naisasampang kaso laban kay National Task Force To End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lieutenant General Antonio Parlade, na naging kontrobersiyal na naman dahil sa pag-red tag sa mga nasa likod ng community pantry.

“As far as the DOJ is concerned, wala pa kaming natatanggap na any complaint for red-tagging against any person, particularly against General Parlade,” ayon kay Guevarra.

“Maybe the reason for this is wala pang right now against red-tagging,” dagdag niya.

Kabilang si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa mga naghain ng panukalang batas na gawing krimen ang red tagging.

Hiniling pa ng senador kay Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahan bilang "urgent" ang naturang panukala para mapabilis ang pag-apruba.

Sa ilalim ng Senate Bill 2121, papatawan ng parusang pagkakakulong ng hanggang 10 taon ang mga sangkot sa red tagging.

Pero duda si Guevarra na sesertipikahan ni Duterte na "urgent" ang panukala.--FRJ, GMA News