Una pa rin si Davao City Mayor Sara Duterte sa mga napupusuan ng mga tao na iboboto sa mga posibleng maging presidential candidates sa May 2022 elections, batay sa survey ng Pulse Asia. Sa mga posibleng maging kandidato naman sa pagka-bise presidente, una si Manila Mayor Isko Moreno.
Batay sa survey ng Pulse Asia, 27 percent sa 2,400 na tinanong na edad 18 pataas, ang boboto kay Duterte kung ngayon gagawin ang survey.
Pumangalawa naman kay Duterte si dating Senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. (13 percent). Sumunod sina Senador Grace Poe at Manila Mayor Isko Moreno na may tig-12 percent at Sen. Manny Pacquiao na may 11 percent.
Ginawa ang survey noong Pebrero 22 hanggang Marso 3, 2021 na may +/- 2 percent error margin, at 95 percent confidence level.
Sinabi ng Pulse Asia na non-commissioned ang survey o walang personalidad o partido na humiling.
“If the May 2022 elections were held during the survey period, Davao City Mayor Sara Duterte would be declared as the winner in the presidential race with a national voter preference of 27,” ayon sa polling firm.
Nauna nang sinabi ni Duterte na hindi siya tatakbong pangulo sa 2022 at nakiusap siya na huwag na siyang isama sa mga survey.
Nasa listahan din sina Vice President Leni Robredo (7%), Sen. Bong Go (5%), dating vice president Jojo Binay (3%), Sen. Ping Lacson (2%) at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano (2%), at Sen. Richard Gordon (1 percent).
Hindi naman umabot sa one percent ang nakuha nina dating Defense Secretary Gilbert Teodoro (0.3 percent) at retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio (0.2 percent).
Isko sa VP survey
Sa survey para sa mga posibleng maging kandidato sa pagka-bise presidente, nanguna sa listahan si Moreno (16%), at pumangalawa sa kaniya si Pacquiao at Duterte na may tig-15%.
Sumunod naman sina Senate President Tito Sotto (11%), Bongbong Marcos (11%), Go (9%), Cayetano (7%), dating Sen. Chiz Escudero (7%), Public Works Secretary Mark Villar (3%), Sen. Sonny Angara (3%), human right lawyer Chel Diokno (1%), at Teodoro (0.5%).
Survey sa mga posibleng senador
Sa mga posibleng maging senador sa 2022, nanguna naman si Pacquiao na may 58.9 percent rating, at sumunod si Moreno na may 53 percent.
Nasa listahan din sina broadcaster Raffy Tulfo (48.1 percent), Sara Duterte (47.5 percent), Escudero (46.6 percent), Antique Rep. Loren Legarda (46.2 percent) at si Cayetano (44.4 percent).
Pasok din sina Bongbong Marcos (40.7 percent), Lacson (38.1 percent), Sen. Juan Miguel Zubiri (38.1 percent), TV host Willie Revillame (34.3 percent), dating Sen Jinggoy Estrada (30.1 percent), Sen Sherwin Gatchalian (28.1 percent), dating Vice President Binay (27.1 percent), at pang-15 sa puwesto si Sen. Francis Pangilinan (26.9 percent).
Labing-dalawang senador lang ang iboboto at mananalo sa 2022 elections.—FRJ, GMA News