Sa kulungan ang bagsak ng tatlong lalaki na sangkot sa mga serye ng pangho-holdup sa Pasig at iba pang lugar. Ang mga armas na ginamit ng mga suspek, nadiskubreng toy gun lang pala.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa CCTV ang pangho-holdup ng tatlong armadong lalaki sa isang convenience store sa nasabing siyudad, kung saan nilimas nila ang pera sa kaha.
Makalipas ang ilang araw, natunton ng Pasig Police at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang safe house ng grupo sa Taytay, Rizal.
Kinilala ang mga suspek na sina Manuel Balverde at Neil Hernandez, habang una nang nadakip ang kanilang kasamahang si Christian Salcedo.
Wanted ang mga suspek sa kasong carnapping at sa robbery holdup sa Pasig.
Tinatarget umano ng grupo ang mga kababayang papasok sa trabaho tulad ng mga call center agent, ayon kay Police Colonel Moises Villaceran, Chief of Police ng Pasig City.
Bukod dito, nambiktima rin ang mga suspek ng mga estudyante.
"Noong nag-aagawan na po kami sa cellphone ko, sinakal po ako ng lalaki na nasa likod ko po. 'Yung nasa unahan ko hinila niya po 'yung bag ko. Nagkapasa po ako. Sobrang takot na takot po ako, hindi po ako nakatulog noong araw po na iyon," kuwento ni "Maya" na nanginginig at naluluha matapos mabiktima.
Hindi nagbigay ng pahayag ang mga salarin.
"Mostly look-alike ng bereta na .9mm. And based sa victim ito 'yung baril na ginamit sa kaniya nang pinalo siya tsaka nakita niya na parang tinutukan siya," sabi ni Villaceran.--Jamil Santos/FRJ, GMA News