Mahigit P100 milyong halaga ng shabu na naka-pack sa Chinese tea ang nakumpiska sa isang magtiyuhin sa Barangay West Rembo, Makati City.
Batay sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, isinagawa ang buy-bust operation Lunes ng gabi kung saan isang kilo ng shabu ang nabili ng undercover police operative sa mga suspek.
Ngunit nang halughugin ng mga operatiba ang kanilang sasakyan, bumungad ang isang maleta na naglalaman ng 16 kilo ng shabu na naka-vacuum seal at ang iba ay nakalagay sa packaging ng Chinese tea.
Tinatayang P108 milyon ang kabuuang street value ng nabistong kontrabando.
Hindi muna pinangalanan ang magtiyuhin dahil magsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya para matukoy ang supply chain ng mga big-time pusher.
Depensa ng isa sa mga naaresto, wala siyang alam sa laman ng package at kung nalaman man niya na droga ito ay hindi na niya kukunin ang sideline ng pagmamaneho.—Jamil Santos/AOL, GMA News