Inihayag ni presidential spokesperson Harry Roque na naging mahusay ang paraan ng pamahalaan sa paglaban sa COVID-19 pandemic kahit patuloy na tumataas ang kaso ng mga tinatamaan ng virus at sumadsad sa ekonomiya ng bansa.
Paliwanag ni Roque, mahigit 90% ng mga kaso ng COVID-19 cases sa bansa ay mild at asymptomatic lang. Kasabay nito, ang bilang ng mga namatay na mahigit 12,000 ay mas mababa naman umano kumpara sa mga mayayamang bansa tulad ng Amerika.
“We were excellent. Na-control po natin ang pagkalat ng sakit lalong-lalo na kung ikukumpara tayo sa mas mayayaman at mga bansa na mas mararami at mas moderno ang mga ospital," sabi ni Roque.
"Hindi po tayo nasa top 5, hindi po tayo nasa 10, hindi po tayo nasa top 15, hindi tayo nasa top 20, hindi tayo nasa top 25. So we did a very good job given na talagang kulang na kulang po talaga ang ating health facilities at kulang iyong pondo na binubuhos natin para sa health sector,” patuloy niya.
Pero sadya umanong maraming magkakahawahan at mamamatay habang wala pa ang bakuna.
"We were excellent in managing it. Unfortunately, habang wala ang bakuna, talagang maraming mahahawa at mayroon pa ring mamamatay. But we have limited deaths to around 12,000, ikumpara mo naman iyan sa Estados Unidos ‘no," anang kalihim.
"Can you imagine, America is No. 1 n terms of cases and in terms of death? Eh, wala naman sa kalingkingan nila ang ating level of spending for health at saka iyong ating technology sa ating mga hospital wala rin sa kalingkingan nila ‘no. But we managed very well, that is what I meant ‘no. It was, I think still, excellent way of managing. Let’s give credit where it is due," dagdag pa niya.
Batay sa World Health Organization dashboard, nakapagtala ang US ng 519,075 COVID-19 deaths o nasa .15% ng kanilang 331 milyong populasyon.
Samantala ang Pilipinas, nakapatala ng 12,465 deaths o .53% ng 110 milyong populasyon.
Maliban sa dami ng nasawi at sa usapin ng ekonomiya, nahuhuli rin ang Pilipinas sa COVID-19 vaccination rollout sa Southeast Asia na nagsimula lang ngayong Marso.
Bagaman aminado si Roque na maaaring mas may mahusay pang paraan na nagawa ang bansa sa pagtugon sa COVID-19, iginiit niya naging handa naman ang bansa na maitaas ang health capacity para alagaan ang mga tinamaan ng virus.
"May mga area na talagang dapat paigtingin pa natin at ginagawa naman po natin lalung-lalo na iyong sa tracing. Pero ang pinakamaganda po nating nagawa, napadami po natin ang ating mga TTMFs, iyong mga isolation facilities na kung saan natin ilalagay iyong mga taong na-trace na natin na nagkaroon ng close contact o iyong mga positibo,” paliwanag ni Roque patungkol sa Temporary Treatment and Monitoring Facilities.
“At saka lalung-lalo na po diyan sa ating mga hospital ‘no, alam na po natin kung paano gagamutin ang mga nagkakasakit,” pahabol pa niya. --FRJ, GMA News