Patay ang isang negosyante sa Pasig City matapos umanong pagsasaksakin ng kanya umanong mga customer.

Iniulat ng "Unang Balita" nitong Biyernes na ang biktima nakapagmaneho pa umano upang dalhin ang sarili sa ospital bago pa ito bawian ang buhay.

Sa inisyal na ulat ng Pasig Police, unang nadakip ang 20-anyos na suspek na kinilalang si Jerome Adawag,  "Alyas Kape."

Ang dalawa pa umanong suspek na kapwa 15-anyos, doon na abutan ng mga pulis sa isang computer shop.

Pahayag ng mga pulis, si Adawag at ang dalawang menor de edad na lalaki ang itinuturong nasa likod ng pagpatay sa 51-anyos na negosyante na nakatira sa isang exclusive subdivision sa Pasig.

Ayon sa mga pulis, nakapagmaneho pa ang biktima papuntang ospital, pero nadisgasya umano ito.

Naitakbo siya sa ospital pero kalauna'y namatay din sanhi ng mga saksak at bugbog sa katawan.

Dagdag ng mga pulis, nasambit pa ng biktima sa mga imbestigador bago ito mamatay kung sino ang mga salarin, na umanoy mga customer ng biktima. —LBG, GMA News