Bitbit umano ng mga operatiba ng District Special Operations Unit (DSOU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang bust-buy money nang lapitan ang kotse ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nauwi sa engkuwentro sa Commonwealth Avenue sa Quezon City. Ang naturang pera, huling nakita sa CCTV na hawak na umano ng taga-PDEA.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang kuha ng CCTV sa unang bugso ng engkuwentro at tinukoy ng isang mapagkakatiwalaang source ang ilan sa mga pulis na lumapit sa puting kotse ng PDEA.
Una nang iniulat na nasiraan umano ang kotse kaya tumigil sa parking area ng isang fastfood restaurant ang sasakyan.
Sa CCTV, sinabing si police corporal Elvin Garado ang unang lumapit sa kotse at kasunod ang isang civilian asset na may hawak na supot na naglalaman umano ng buy-bust money na gagamiting pambili ng shabu sa kanilang operasyon.
Paglapit ni Garado sa kotse, kinapkapan niya ang driver ng kotse pero napatakbo siya at ang asset sa kabilang bahagi ng kotse dahil tatakas umano ang kasama ng driver.
Maya-maya lang, may dumating na mga nakasibilyang PDEA agent na armado at nagkaroon na ng putukan.
May dumating na isang lalaking naka-helmet at sumama sa putukan na umano'y si police corporal Lauro de Guzman Jr.
Napatay sa naturang putukan ang isang PDEA agent at si Garado na sinasabing nabaril ng taong nagpaputok mula sa loob ng kotse.
Hindi malaman kung saan napunta ang civilian asset ng mga pulis pero ang bag na bitbit niya na naglalaman umano ng buy-bust money, nakita sa CCTV na kinuha ng isang babae na umano'y kasama ng PDEA.
Sa nakaraang ulat, sinabi ng isang source na bago ang putukan, nakabili umano ang mga pulis ng 1 kilo ng shabu sa halagang P6 milyon.
BASAHIN: Pulis-QC, nakabili raw ng 1 kilo ng shabu sa 'asset' ng PDEA bago maganap ang putukan
Pero P1 milyon lang umano ang tunay na pera at "budol" o peke na ang ibang pera.
Sinabi ng source na hindi niya alam kung batid ng mga pulis na "asset" ng PDEA ang nabilhan nila ng shabu. Nasa pangangalaga raw ng mga pulis ang nabiling shabu pero hindi nito alam kung nabawi rin ang sinasabing buy-bust money.
Nauna nang itinanggi ng PDEA na nagsagawa sila ng "sell-bust" na nagbenta ng droga para manghuli ng sangkot sa droga dahil itinuturing itong ilegal.
Katunayan, sinabi ni PDEA chief Wilkins Villanueva na handa siyang magbitiw kapag nagpakita ng katibayan ang mga pulis, tulad ng kuha sa CCTV na nagsagawa ng "sell-bust" ang kaniyang mga tauhan.
MAGBIBITIW: Hepe ng PDEA, hinamon ang QCPD na patunayang nabilhan ng shabu ang 'asset' nila
Sa isa pang kuha ng CCTV, nakita na bukod sa nangyaring putukan sa kinaroroonan ng kotse, mayroon ding mga pulis na nakapuwesto sa katapat na gasolinahan at nagpapaputok din.
Lima ang nasawi sa naturang engkuwentro na iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation--FRJ, GMA News