Sugatan pero nakaligtas ang isang lalaki matapos na ilang ulit na pumalya ang baril ng gunman na humahabol sa kaniya sa Tayuman, Maynila. Ang isang anggulong tinitingnan ng pulisya, onsehan sa droga ang sanhi ng pamamaril.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, makikita sa CCTV ang habulan ng biktima at ng gunman sa kalsada sa Tayuman.
Tumumba ang lalaki at pinaputukan ng gunman, pero gumapang siya sa ilalim ng sasakyan para magtago at makatakas.
Nakalabas siya sa kabilang gilid ng kotse pero bumagsak siya sa bangketa matapos tumakbo. Umikot ang gunman sa sasakyan at muling binaril ang biktima, pero hindi pumutok ang armas kaya nakabangon at nakatakbo pa ang biktima.
Hanggang sa nakarating na sa isang eskinita ang habulan ng dalawa.
Muling binaril ng suspek ang biktima habang tumatakbo, pero nagloko na naman ang baril. Nang umayos ulit, malapitan nang binaril ng suspek ang biktima.
Nakita rin sa CCTV ang isang lalaking nakamotorsiklo, na kasabwat pala ng gunman.
Nakatakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.
"Nakarinig po kami ng putok. Unang putok humingi na siya ng tulong pagkatakbo niya. Pagkapasok niya sa eskinita nakarinig kami ng dalawang putok," anang isang residente.
Nang mawala ang mga salarin, tinangkang bumangon ng lalaki at humingi ng tulong sa mga residente.
"Duguan ang likod niya pero nakakatayo naman siya eh. 'Kailangang itakbo niyo na ako sa ospital, ayoko pang mamatay, maliliit pa 'yung mga anak ko.' Hindi naman raw niya kilala 'yung bumaril sa kaniya eh," dagdag ng residente.
Kasalukuyang nagpapagaling ang 36-anyos na biktima at stable na ang kaniyang kondisyon. Gayunman, tumagos sa kaniyang dibdib ang isang bala at nadaplisan din ang kaniyang ulo at balikat, ayon sa pulisya.
"Ang isa sa anggulo na nakikita natin ay may kinalaman talaga siya sa transaction sa droga. Isa sa mga tinitingan natin na anggulo 'yung onsehan na naman," sabi ni Police Major Carlo Loñosa, Commander ng Tayuman PNP.
Ayon sa ulat, nagmula sa Floridablanca, Pampanga ang biktima at nagmaneho pa-Maynila nitong Miyerkules.
May sakay na tatlong pasahero ang biktima, kung saan dalawa ang nawawala ngayon.
Ang isa na nasa front passenger seat, kaibigan ng biktima na nakausap ng mga awtoridad at itinuturing ngayong testigo.
"Ang sabi niya dinala lang siya para samahan 'yung driver kasi itong driver nirentahan lang nu'ng dalawa sa likod... Ito 'yung kuwento ng witness natin," ayon kay Loñosa, na sinabing tinitingnan ding anggulo na nadamay lang ang biktima.
Patuloy na pinaghahanap ang mga suspek at dalawang pasahero na nagrenta umano sa biktima para bumiyahe mula Pampanga hanggang Maynila. —LBG, GMA News