Pinalawak ng Land Bank of the Philippines ang kanilang direct loan program sa mga estudyante na nais mangutang ng hanggang P50,000 upang ipambili ng mga electronic gadget tulad ng laptop, desktop, o tablet para sa online learning.
Ang expanded program ay maaaring isama sa maximum loanable amount na P150,000 sa bawat mag-aaral o P300,000 per parent-borrower bilang pambayad sa tuition o enrollment-related fees sa ilalim ng Interim Students' Loan for Tuitions towards Upliftment of Education for the Development of the Youth (I-STUDY) Program.
"LandBank recognizes the need to support students in adapting to distance learning modalities," ayon kay president and chief executive officer Cecilia Borromeo sa isang pahayag.
"While we await the resumption of in-person classes, we hope that the I-STUDY Program can help students cover the financial requirements to purchases needed learning equipment and participate in online classes," dagdag niya.
Ang mga estudyante na nasa legal age na ay maaari nang mag-apply sa expanded I-STUDY Program. Bago nito, tanging mga magulang at guardian lang ang pinapayagang mag-apply sa programa nang ilunsad noong nakaraang taon.
Sa nasabing pahayag, itinaas din ng LandBank ang maximum age eligibility ng mag-aaral sa 50 years old mula sa dating 30 years old.
Isinama rin ang mga scholar students na ang scholarship ay hindi lubos na sakop ang tuition fees, pati na ang non-scholar students mula sa private pre-school, primary, at secondary schools.
Sa I-STUDY lending program, mayroon itong fixed interest rate na 5% per annum para sa short-term loans sa pre-school, primary, at secondary students na maaaring bayaran sa loob ng isang taon.
Nag-aalok din ng pagpapautang sa tertiary students na payable hanggang maximum of three years, kasama ang one year grace period sa perang nahiram. --FRJ, GMA News