Sinagot na ni Vice President Leni Robredo ang pinakabagong patutsada sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa vaccination program ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Sa The Mangahas Interviews, sinabi ni Robredo na hindi akma para sa isang pangulo ang mga pahayag ni Duterte.
"Ang unang dating sa akin parang hindi pangulo ang nagsasalita. Pangalawa sobrang pikon," giit ng bise presidente na nanindigan na dapat hayaan ang mga tao na magbigay ng mungkahi.
Ang tinutukoy ni Robredo ay ang pahayag ni Duterte nitong Lunes na hinahamon ang bise presidente na bumili ng bakunang panlaban sa COVID-19.
“Kung gusto mo talaga para mahinto ka, kunin mo yung basket mo, mamalengke ka doon sa labas ng bakuna. Bigyan kita pera,” sabi ni Duterte.
Ayon kay Robredo, higit pa sa perang pambili ang usapin sa pagkuha ng bakunang panlaban sa nakamamatay na virus.
Una rito, sinabi ng bise presidente sa kaniyang radio program na hindi pa nakakakuha ng rekomendasyon sa Health Technology Assessment Council (HTAC) ang Sinovac.
Nitong Martes, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na sumasailalim na review ng HTAC ang Sinovac.—FRJ, GMA News