Nag-aalok ng $500,000 o mahigit sa P24-milyong pabuya ang pop superstar na si Lady Gaga matapos na mabaril ang kaniyang dog walker at nakawin ang kaniyang mga French bulldog sa Los Angeles.

Sa ulat ng Reuters, sinabing nasa Roma si Lady Gaga para sa isang pelikula habang naiwan sa Los Angeles ang mga French bulldog niyang sina Koji at Gustav.

Ayon sa Daily Mail, nilalakad ng dog walker ang mga aso ni Lady Gaga Miyerkoles ng gabi nang mabaril ito.

Nakatakas naman ang ikatlong aso na si Miss Asia at natagpuan kalaunan.

Kinumpirma ng Los Angeles Police sa BBC na isinugod sa ospital ang dog walker.

Ayon naman kay Los Angeles Police Officer Drake Madison, isang lalaki na may hawak na semi-automatic na handgun ang bumaril sa isang lalaki na nasa edad 30, bago tumakas ang salarin sa isang puting sasakyan at may dala-dalang dalawang French bulldog.

Dagdag ni Madison, dinala ng mga fire department paramedic sa isang lokal na ospital ang biktima, na hindi pa matukoy ang kondisyon.

Ayon sa isang source na malapit kay Lady Gaga, na humiling na huwag ilantad ang kaniyang pangalan, nanawagan ang singer sa sinoman na nakakita o may hawak ng kaniyang mga aso na i-contact ang kojiandgustav@gmail.com para maibalik ang mga ito at matanggap ang pabuya.

Kilalang breed ang French bulldogs na nagkakahalaga ng mahigit sa isang libong dolyar kada tuta.

Mayroon ngayong umuusbong na kalakaran ng pagnanakaw sa mga ito para muling ibenta o isailalim sa breeding. —LBG, GMA News