Arestado ang isang lalaki sa Pateros matapos mag-post ng litrato na may hawak siyang granada at may pagbabanta, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Kinilala ang naaresto na si Eddie Boy Cervales, 35 anyos. Ayon sa Pateros Police, nag-post si Cervales sa Facebook Story ng litrato niyang may hawak na granada at may mensaheng, "Pag ako naburyo hahagis koto damay damay nato."
Sa tulong ng intelligence unit ng Pateros Police ay natunton si Cervales sa Purok 12.Anang suspek, selos ang ugat ng kaniyang post matapos niyang mahuling may ibanga ka-chat ang kaniyang karelasyon.
Nabawi kay Cervales ang granada na ayon sa kaniya ay pinapabenta lang sa kaniya.
Ayon sa pulisya, puwede pang sumabog ang granada bagama't luma na ito.
Pinagsisisihan naman ni Cervales ang ginawa at inaming nakainom siya nang mag-post. Nahaharap siya ngayon sa reklamong illegal possession of explosives. —KBK, GMA News