Nabiyayaan ng libreng makeover ang isang magkasintahang mangangalakal matapos na maantig ang isang stylist sa kuwento ng kanilang matatag na pag-iibigan sa kabila ng hirap. Ang charity wedding project, inaasikaso rin ang kanilang pagpapakasal.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras Weekend," nitong Sabado, sinabing 24 na taon nang nagsasama sina Kuya Rommel at Ate Rosalyn, na biniyayaan ng anim na anak.
Hindi naging madali ang buhay ng mga mangangalakal at puno ng paghihirap, pero pinili nina Kuya Rommel at Ate Rosalyn na magsama sa hirap at ginhawa.
Nasaksihan ito ng vlogger at stylist na si Richard Strandz, ang nagkonsepto ng "Sa Hirap at Ginhawa."
"Na-touch ako sa kuwento nila kasi kita mo talaga yung, alam mo 'yung ayaw nilang maghiwalay kahit na may problema raw, kahit na mahirap 'yung buhay," sabi ni Strandz.
Nalungkot Strandz nang malamang hindi pa kasal sina Kuya Rommel at Ate Rosalyn, kaya sinimulan niya ang naturang project charity wedding.
Pebrero 13 na isang araw bago mag-Valentine's Day, ikinasa ang prenup pictorial.
Sagot ng mga wedding suppliers na mga nagmagandang loob ang makeup, style ng buhok at bonggang makeover ng bride at groom.
"Dahil nga naranasan ko ring mangalakal, nakikita ko 'yung naranasan ko sa kanila na hirap. Na-inspire ako sa kanila kasi andun 'yung love sa kanilang dalawa," sabi ni Strandz.
"Dahil pina-process po namin 'yung kanilang CENOMAR at birth certificate, abangan po ninyo 'yung kanilang magiging wedding," ayon pa kay Strandz. -Jamil Santos/MDM, GMA News