Natagpuang patay sa loob ng kaniyang selda ang convicted car theft gang leader na si Raymond Dominguez. Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor), walang palatandaan ng foul play.

Sinabi ni BuCor spokesperson Gabriel Chaclag na dakong 6:20 am ngayong Biyernes nang makitang hindi na humihinga si Dominguez sa kaniyang selda sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

“It appears that he died of natural causes. But we will wait for the medico-legal report," sabi ni Chaclag.

“No sign of foul play is noted,” dagdag ng opisyal.

Sa ipinadalang mensahe sa mga mamamahayag, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na inatasan niya ang BuCor na kaagad na ipadala sa kaniya ang ulat tungkol sa nangyari kay Dominguez.

Nitong nakaraang Hulyo, pinabulaanan ng BuCor ang mga bali-balitang namatay si Dominguez sa COVID-19.

Pero kinumpirma nila na nahawahan ng virus si Dominguez.

Abril 2012 nang hatulan ni Bulacan Judge Wilfredo Nieves si Dominguez,  na sinasabing lider ng Dominguez carjack gang, na guilty sa kasong carjacking na naganap noong 2010.

Nahaharap din siya sa mga karumal-dumal na krimen tulad ng pagpatay at pagsunog sa bangkay ng car dealer na si Venson Evangelista noong 2011.

Pagkalipas ng apat na taon, tinambangan at napatay naman si Judge Nieves sa Malolos, Bulacan.

Kinalaunan, naaresto ang isang suspek sa pag-ambush kay Nieves na sinasabing madalas na dumalaw kay Dominguez sa bilangguan.--FRJ, GMA News