Pitong suspek ang patay sa magkakahiwalay na operasyon ng mga pulis sa Quezon City nitong nakalipas na magdamag, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.
Dalawa sa mga suspek ay nagnakaw daw ng motorsiklo habang ang lima naman ay nangholdap ng gasolinahan.
Ayon sa biktimang natangayan ng motor, papasok siya trabaho nang harangin at tutukan ng baril ng mga salarin.
Hindi raw tumigil sa checkpoint ang dalawang suspek at sa halip ay nagpaputok ang mga ito kaya sila pinaputukan din ng mga pulis, ayon sa ulat.
Samantala, patay din ang limang suspek na nangholdap umano sa isang gasolinahan sa Commonwealth Avenue.
Ayon sa security guard, bigla na lang dumating ang anim na suspek na sakay ng tatlong motorsiklo at bumaba ang mga angkas nito. Inagaw daw ng mga ito ang kaniyang shotgun at pinadapa siya.
Nakuha ng mga salarin ang P18,000 na kita ng gasolinahan at mga cellphone ng mga gasoline boy. Maging ang mga inabutang nagpapagasolina ay kinuhaan din umano ng pera.
Tatlo sa mga suspek ang napatay sa follow-up operation sa Barangay Pasong Tamo habang dalawa naman sa Barangay Sauyo. Nakatakas naman ang ika-anim na suspek.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng pitong napatay na salarin. —KBK, GMA News