Sa kulungan ang bagsak ng isang magka-live-in partner matapos silang mahulihan ng iba't ibang klase ng droga na kanilang ibinibenta sa Barangay Laging Handa, Quezon City.
Sa ulat ni Corinne Catibayan sa GMA News TV "Balitanghali," kinilala ang mga suspek na sina Jose Mari Singson at Liza Tekazawa, na nadakip mismo sa kanilang bahay sa Scout Delgado pasado ala-una ng madaling araw nitong Huwebes.
Isang linggong minanmanan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga suspek.
Nagsisilbing warehouse ang kanilang bahay ng mga droga na ibebenta umano nila, tulad ng ecstasy, shabu, cocaine at kush.
Bukod sa droga na aabot sa mahigit P185,000 na halaga, nabawi rin sa kanila ang isang baril na hindi rehistrado.
"Nagbebenta ng drugs o party drugs itong subject namin. Meron talagang mga pumapasok dito na paiba-ibang tao minsan... Kadalasan mga kakilala na rin nila 'yung mga pumapasok din. Tsaka hindi sila basta-basta, kung sino lang 'yung kakatok na ibang tao, hindi," ayon sa PDEA.
Tumangging humarap sa camera ang mga salarin, na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.--Jamil Santos/FRJ, GMA News