"Guilty" ang naging hatol ng Sandiganbayan sa negosyanteng si Janet Lim Napoles, dating Cagayan de Oro Representative Constantino Jaraula at tatlong iba pa, kaugnay sa multiple counts of graft at malversation kaugnay ng "pork barrel" scam.
Sa 103-pahinang desisyon, sinabi ng anti-graft court ruled na nagkasala sina Napoles, Jaraula at tatlong iba, kaugnay sa mga kaso ng tatlong counts ng graft at tatlong counts of malversation dahil sa pagbubulsa umano sa tinatayang P19.2 milyon na pondo ng kongresista sa Priority Development Assistance Fund (PDAF), na kilala rin sa tawag na pork barrel.
Nakasaad pa sa desisyon na ginamit umano ng mga akusado ang state-run Technology Resource Center (TRC) at ang Countrywide Agri and Rural Economic Development (CARED) Foundation ni Napoles para makuha ang pondo.
Hinatulan ng Sandiganbayan sina Napoles, Jaraula, at TRC officials na sina Rosalinda Lacsamana, Belinda Concepcion at CARED officer Mylene Encarnacion, ng pagkakakulong ng anim hanggang 10 taon sa bawat bilang ng kanilang mga kaso.
Bukod pa rito ang parusang kulong ng 12 hanggang 18 taon sa bawat kaso ng malversation o pagwawaldas ng pondo.
Inutusan din ng korte sina Napoles, Jaraula at tatlo pang akusado na ibalik sa gobyerno ang nasa P56 milyon halaga.
Hinatulan din ng korte na guilty si Jaraula sa tatlong counts ng direct bribery dahil sa pagtanggap umano ng P2-milyon suhol mula kay Napoles.
Inutusan ng Sandiganbayan si Jaraula na magsauli ng P6 milyon sa gobyerno o P2 milyon sa bawat bilang ng direct bribery conviction.
Kasalukuyang nakadetine si Napoles sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City, na nauna nang hinatulang guilty sa hiwalay na kaso rin ng plunder noong December 2018 kaugnay din sa P10-billion pork barrel scam.
Wala pang pahayag si Jaraula at ibang akusado sa desisyon ng Sandiganbayan.—FRJ, GMA News