Target ng pamahalaan na makalikha ng 2.4 hanggang 2.8 milyong trabaho ngayong 2021 bilang bahagi ng employment recovery strategy para maibsan ang naging epekto ng COVID-19 pandemic sa hanay ng mga manggagawa.
Nitong Biyernes, pumirma sa joint memorandum circular (JMC) sa paglikha ng National Employment Recovery Strategy (NERS) Task Force ang iba't ibang kagawaran kabilang ang Labor and Employment (DOLE), Trade and Industry (DTI), Transportation (DOTr), Tourism (DOT), Budget and Management (DBM), Education (DepEd), Interior and Local Government (DILG), Social Welfare and Development (DSWD), Science and Technology (DOST) at maging Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ang NERS ay isang medium-term plan na layuning makalikha ng mga trabaho.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, kabilang sa pumirma sa JMC, bagaman inaasahan na unti-unting makababawi ang sektor ng paggawa ngayong taon, inaasahan din na madagdagan ang puwersa ng mga manggagawa sa 2022 dahil magtatapos ang first batch ng mga mag-aaral sa K-12 program.
“So there will be additional workers next year that will make our unemployment rate challenging so about 2.4 to 2.8 million jobs must be created this year,” paliwanag ni Nograles.
Sa October 2020 Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority, lumitaw na nasa 8.7% o 3.8 milyon ang unemployment rate sa bansa.
Mas mababa na ito sa record-high 17.7% unemployment rate o 7.2 million jobless adults na naitala noong Abril 2020, ang panahon na ipinatupad ang lockdown dahil sa COVID-19.
“We are drafting the National Employment Recovery Strategy... the objective of this strategy is to enhance the effectiveness of policies and programs and to more efficiently achieve the national objective, makabangon ang eknomiya,” ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez.
“This strategy brings together various measures, programs that influence the demand and supply of labor as well as the functioning of labor markets. This in turn will restart economic activities, restore business confidence, upgrade and retool the workforce and facilitate access to the labor market,” dagdag niya.--FRJ, GMA News