Naniniwala si House committee on legislative franchises chairman Franz Alvarez na mas makabubuting ang susunod na Kongreso na ang tumalakay sa franchise renewal ng ABS-CBN Network.
Ginawa ni Alvarez ang pahayag sa harap ng mga hakbang ng ilang mambabatas na buhayin ang deliberasyon sa prangkisa ng naturang network.
Kasabay nito, nais din ni Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor na talakayin sa plenaryo ang "unresolved" measure tungkol sa pagkakaloob ng provisional franchise sa ABS-CBN.
"Based on my understanding from the House leadership, the ABS-CBN franchise issue is best left to the next Congress," ayon kay Alvarez.
Nitong nakaraang Hulyo, 70 miyembro ng House franchise committee ang bumoto upang hindi na i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.
"Under the rules, anyone of the 70 House members who voted against the franchise application could file a motion for reconsideration on behalf of ABS-CBN to challenge the decision of the Committee," ayon kay Alvarez.
"Unfortunately, there was none, thus the Committee decision has become final," paliwanag niya.
Kamakailan lang, naghain ng panukalang batas si Deputy Speaker Vilma Santos-Recto upang muling subukan na mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN sa ilalim ng bagong liderato ni Speaker Lord Allan Velasco.
May hiwalay na panukala rin na inihain sa Senado si Senate President Tito Sotto.
Ayon naman kay Defensor, dapat resolbahin ng kapulungan ang hindi natalakay na House Bill 6732 na naglalayong bigyan ng a provisional franchise ang ABS-CBN hanggang Oktubre 31, 2020, na inihain ni dating Speaker Alan Peter Cayetano.
Pero ayon kay Alvarez, "moot and academic" na ang House Bill 6732.— FRJ, GMA News