Isang lalaki sa Maynila ang binangga, ninakawan at pinagsasaksak pa ng mga suspek na sakay ng tricycle, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Lunes.
Sa kuha ng CCTV, makikitang mag-isang naglalakad pauwi sa kaniyang trabaho ang biktima bandang 3 a.m. nitong nakaraang Biyernes sa Vicente Cruz Street nang bigla siyang banggain ng isang tricycle.
Nang bumagsak sa kalsada ang biktima ay bumaba ang dalawang sakay ng tricycle hindi upang tumulong kundi para magdeklara ng holdup at kunin ang kaniyang bag.
Kita rin sa CCTV kung paano nakipag-agawan ang biktima sa mga suspek, dahilan para maglabas ng patalim ang isa sa mga suspek at undayan siya ng saksak.
Tinangka ring habulin ng biktima ang mga suspek hanggang sa makaladkad siya ng tricycle. Ilang tanod at residente ang tumulong sa paghahabol pero nakatakas pa rin ang mga suspek.
Ayon sa biktima, na nagtamo ng maraming sugat sa katawan at natanggalan pa ng dalawang ngipin, dalawang buwan pa lang ang kaniyang mamahaling cellphone kaya siya nanlaban sa mga suspek.
Naaresto nitong weekend ang isa sa mga suspek na kinilalang si Harris Hogan, 23, residente ng Tondo. Positibo siyang kinilala ng biktima.
Ayon sa pulisya, inamin ni Hogan na siya ang nag-drive ng tricycle na bumangga sa biktima. Nahaharap siya sa kasong robbery with frustrated homicide. --KBK, GMA News