Nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Miyerkules ang basketball player na kabilang sa mga umukopa sa Room 2207 ng isang hotel sa Makati. Batay sa mga kuwento ng kaibigan ni Dacera, ilang beses nagtungo sa naturang kuwarto ang pumanaw na flight attendant.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing kabilang si Justin Rieta sa 12 “persons of interest” na sinamahan ng tatlong abogado nang magtungo sa NBI bilang pagtugon sa subpoena.
Nauna nang hinikayat ng NBI ang mga persons of interest na lumantad at makipagtulungan sa mga awtoridad.
Sa pagpunta sa NBI, nagbigay ng kaniyang pahayag si Rieta.
Nang tanungin ng mga mamamahayag, sinabi ni Rieta na hindi niya kilala ang mga nasa "kabilang" kuwarto.
Wala rin daw siyang napansin na kakaiba nang mga panahong iyon.
“Hindi ko po kilala ‘yong kabilang room po. Wala po akong kilala sa kanila,” patungkol ni Rieta sa Room 2209 na tinuluyan naman ni Dacera at mga kaibigan nito.
Handa umano si Rieta na makipagtulungan sa mga awtoridad sa ikalulutas ng kaso.
Sa mga naunang ulat, lumalabas na mayroong mag-"common" friend sa mga umukopa sa Room 2209 at Room 2207.
Inihayag din ng mga kaibigan ni Dacera na ilang beses na nagtungo ang nasawing flight attendant sa Room 2207.
Inaasahan naman ng mga awtoridad na magbibigay ng kani-kanilang sinumpaang salaysay ang mga persons of interest sa mga susunod na araw.
“We are very thankful that they are cooperating in the investigation and we see this as a very good development in the investigation so we will be able to come out with the truth, ano ba talaga nangyari," ayon kay NBI deputy director Ferdinand Lavin.
"This is very important to us para mahimay-himay namin. Where were you? Anong ginawa mo? Who was with whom? So lahat ‘to titingnan namin,” patuloy niya.
Sinabi naman ni NBI director Eric Distor na walang silang ibang hangad kung hindi ang malaman ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ni Dacera.—FRJ, GMA News