Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na may mga taong nag-uudyok sa anak niyang si Davao City Mayor Sara Duterte na tumakbong pangulo sa 2022 elections bilang kapalit niya sa Palasyo.
“My daughter, inuudyok naman nila, sabi ko ‘My daughter is not running.’ I have told Inday not to run kasi naaawa ako sa dadaanan niya na dinaanan [ko],” pahayag ni Duterte sa pagpapasinaya sa opisyal na pagbubukas ng Metro Manila Skyway Stage 3 na ginawa sa Quezon City.
Giit ni Duterte, hindi pambabae ang posisyon ng pangulo dahil sa bigat ng responsibilidad na pamunuan ang bansa.
“Hindi ito pambabae. Alam mo the emotional set-up of a woman and a man is totally different. Maging gago ka dito,” saad niya.
Sa kasaysayan, dalawang babae na ang naging pangulo ng bansa -- sina Corazon Aquino mula 1986 hanggang 1992, at Gloria Macapagal-Arroyo mula 2001 hanggang 2010.
Sa mga naglalabasang survey patungkol sa 2022 elections, kabilang ang pangalan ni Sara sa mga lumalabas at nangunguna na posibleng maging kandidato at iboboto ng mga respondent sa panguluhang halalan.
Bukod kay Sara, kasama rin sa mga pangalan na lumalabas sa survey ang dalawa pang babae na sina Vice President Leni Robredo at Senador Grace Poe.
Nauna nang nagpahayag si Sara sa mga nagsasagawa ng survey na alisin ang pangalan niya sa listahan ng mga pinagpipilian.
Paliwanag niya, malayo sa isipin niya ang May 2022 elections dahil prayoridad niya ang pagtugon kung papaano malalampasan ang krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.--FRJ, GMA News