Inihayag ni Rommel Galido, kabilang sa mga respondent sa pagkamatay ni Christine Dacera, na pinilit sila ng Makati police na magsinungaling kaugnay sa sinapit ng 23-anyos na flight attendant kapalit ng kanilang kalayaan.
Sa pulong balitaan nitong MIyerkules, binawi ni Galido ang kaniyang naunang salaysay na nagsumbong sa kaniya si Dacera na tila may inilagay si Mark Anthony Rosales sa kaniyang inumin noong kanilang New Year's Eve party sa isang hotel sa Makati kaya nag-iba raw ang kaniyang pakiramdam.
WATCH: 4 na kaibigan ni Christine Dacera, inihayag sa 'KMJS' ang kanilang panig
“Pino-force kami na dapat magsabi, magturo kami ng someone kapalit ng kalayaan namin. Siyempre, wala akong alam kung anong dapat gawin. Gulong-gulo ‘yung isip ko,” sabi ni Galido.
“Any options i-grab [ko] para matapos na ‘to kasi ayaw ko na, pagod na pagod na ‘yung katawan ko. Sabi ko do’n, si Mark. Si Mark ‘yung nasabi ko which is hindi naman dapat talaga kasi wala namang sinabi si Christine na Mark. Pero ‘yun ‘yung parang pinipilit,” dagdag pa niya.
WATCH: Inilarawan ng isa sa mga respondent sa kaso ng pagkamatay ni Christine Dacera kung paano umano sila tinorture ng mga tauhan ng Makati Police @dzbb pic.twitter.com/WqbsFFAvKI
— Luisito Santos (@luisitosantos03) January 13, 2021
Ilang araw nadetine sina Galido at dalawang iba pa sa police station sa Makati at nakalaya lang nang iutos ng piskalya upang nagsasagawa ng preliminary investigation upang alamin kung ano ang tunay na ikinamatay ni Dacera at kung may nangyaring panggagahasa sa dalaga.
Tanghali noong Enero 1 nang makita si Dacera na hindi na humihingi sa bathtub ng kuwarto na kanilang tinuluyan sa hotel.
Una rito, binawi rin ni JP Dela Serna III, isa pang respondent sa kaso, ang kaniyang pahayag na nakita niya si Rosales na may dalang "powder drugs" sa party.
Ayon sa abogado ni Dela Serna, ang mga pulis ang pinagmulan ng istorya tungkol sa umano'y droga sa party.
“Not only that they were pressured, they were intimidated, they were manipulated. Words were put into their mouths. They were subjected to psychological warfare because they lacked sleep, they were under duress,” ayon kay Atty. Mike Santiago.
Bukod sa pulisya, nagsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa nangyari kay Dacera.
Kanina, sinimulan na ng piskalya sa Makati ang preliminary investigation at ipagpapatuloy sa Enero 27. — FRJ, GMA News