Itinanggi ng isa sa mga suspek sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera na iniwan nila ang biktima ilang sandali bago ang insidente. Katunayan, sinubukan pa raw nila itong iligtas sa pamamagitan ng CPR.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Martes, sinabi ni Gregorio Angelo Rafael de Guzman, na noong gabi na nangyari ang insidente lang nila nakilala si Dacera.
Ayon kay de Guzman, ipinakilala sa kaniya si Dacera ng mga flight attendant na matagal na ring kilala ng dalaga.
Nauna umano siyang natulog at kinaumagahan na niya nalaman na may nangyari sa biktima.
Sinubukan daw nilang isalba si Dacera at siya pa mismo ang nag-CPR sa biktima.
Kasama rin daw si de Guzman sa mga nagdala kay Dacera sa ospital, at nagpunta rin sila sa police station.
"Nandoon po kami, hindi namin iniwan si Tin until the end. Hindi namin iniwan si Tin, kaya ang sakit ng mga sinasabi nila. Hindi nila alam ang nangyari, tumingin sila sa CCTV, nandoon kami sa police station, sa ospital, sa hotel, hindi namin siya iniwan," ani de Guzman.
Itinanggi rin niya ang paratang ng panggagahasa sa biktima.
"Absurd po. Paano naging rape, bakla po ako? Never po akong nakipagtalik sa babae, ever in my life," giit ni de Guzman.
Isa si de Guzman sa itinuturong salarin sa pagkamatay ng 23-anyos na si Dacera sa isang hotel sa Makati.
Nadakip naman sina John Pascual Dela Serna III, 27, Rommel Daluro Galido, 29, at John Paul Reyes Halili, 25.
At large naman sina Louie de Lima, Clark Jezreel Rapinan, Rey Englis, Mark Anthony Rosales, Jammyr Cunanan, Valentine Rosales, isang Ed Madrid, at isang nagngangalang Paul.
Natagpuang walang buhay si Dacera sa bathtub ng kuwarto ng tinuluyan nilang hotel noong Bagong Taon.
Sa paunang pagsusuri sa ospital, lumilitaw na ruptured aortic aneurysm ang dahilan ng pagpanaw ng biktima.
Pero hinihinala ng pamilya na may ipinainom na droga sa biktima at pinagsamantalahan dahil na rin sa mga sugat nito sa katawan.--FRJ, GMA News