Dinakip ng mga awtoridad ang isang delivery boy matapos niyang pagsamantalahan umano ang isang babaeng maysakit sa pag-iisip sa Barangay Pitogo, Makati City. Depensa ng lalaki, hindi naman raw tumutol ang biktima nang ayain niya ito at 'di niya rin alam na may kondisyon sa pag-iisip ang babae.
Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Gerald Egot, 29-anyos.
Sinabi ng mga awtoridad na pauwi na ang biktima noong Lunes ng gabi nang ayain umano ito ng suspek.
"Lumabas 'yung babae, 'yung special child. 'Pag labas, tinawag niya tapos naglakad sila papunta doon sa kabilang barangay kalapit ng barangay namin... Noong nagawa na niya 'yung gusto niya doon sa babae, sumakay sila ng tricycle pabalik," sabi ni Romeo Ogaña, officer in charge ng Brgy. Pitogo.
Depensa ni Egot, saka lang niya nalaman na may kondisyon sa pag-iisip ang biktima nang magkaharap-harap sila sa barangay.
Hindi naman daw nagpakita ng pagtutol ang babae nang tawagin niya.
"Humihingi po ako ng dispensa po. Hindi ko naman po alam na maysakit 'yung bata. Sana po patawarin niyo ako," sabi ni Egot.
Tumangging humarap sa GMA News ang pamilya ng biktima, ngunit sasampahan nila ng kaukulang reklamo ang suspek.--Jamil Santos/FRJ, GMA News