Nasawi ang isa umanong carnapper matapos manlaban ang kanilang grupo sa isinagawang police operation sa isang hotel sa Maynila.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing bago nito, nalaman ng mga awtoridad na nag-check-in sa hotel ang grupo ng mga suspek sa carnapping.

Dala umano ng grupo ang isang sasakyan na sinasabing nakaw din.

Nang salakayin ng pulisya ang mga kuwarto ng mga suspek, nagpaputok daw ng baril ang mga carnapper kaya gumanti naman ng putok ang mga awtoridad.

Nagresulta ito sa pagkakabaril sa isa sa mga suspek.

Isinugod sa ospital ang suspek pero idineklarang dead on arrival, samantalang nadakip naman ang tatlo pa niyang kasamahan.

Nagtago pa sa kisame ang isa sa kanila.

Hindi nagbigay ng pahayag ang mga salarin.--Jamil Santos/FRJ, GMA News