Sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat  na puwedeng makakuha ng 50% discount sa RT-PCR test para sa COVID-19 ang mga lokal na turista.

Sa signing ceremony, sinabi ni Puyat na mula sa orihinal na presyong P1,500 na COVID-19 test sa Philippine Children's Medical Center (PCMC), magiging P750 na lang ito.

“It is my pleasure to announce today that we are expanding this RT-PCR testing subsidy program for our tourists. Through this partnership, DOT further lowers the cost of the RT-PCR test,” anang kalihim.

Nasa P8.7 milyon mula sa special contingency fund ang gagamitin subsidiya sa 50% discount sa RT-PCR testing para tulungan ang domestic tourism industry na hinagupit ng COVID-19 pandemic.

“So 'yung P1,500, magiging P750 na lamang to benefit 11,600 domestic tourists,” paliwanag ni Puyat.

“Marami naman kasi talagang gustong mag-travel, except prohibiting ‘yung cost ng RT-PCR. But with this partnership, magiging P750 na lamang,” sabi pa niya.

Ayon kay Tourism Promotions Board (TBP) chief operating officer Maria Anthonette Velasco-Allones, ang kasunduan sa naturang diskuwento ay epektibo hanggang sa June 2021.

Para makakuha ng 50 discount sa RT-PCR test, dapat ipakita ng lokal na tursita ang valid ID, proof of accommodation sa DOT-accredited establishment, at booking sa biyahe.

Ayon kay PCMC medical director Dr. Julius Lecciones, malalaman ang resulta ng COVID-19 test sa loob lang ng 24 oras.--FRJ, GMA News