Sa kabila ng mga puna, ikinatwiran ng Malacañang na hindi dapat pagkaitan ng proteksiyon ang mga sundalo sa ginawang pagbabakuna sa kanila ng COVID-19 vaccine na hindi pa aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).
“Huwag n’yo naman pong ipagkait sa ating mga sundalo kung nagkaroon sila ng proteksyon,” sabi ni presidential spokesperson Harry Roque sa news conference nitong Lunes.
“Tanggapin na lang po natin na importante na iyong ating kasundaluhan, yung mga nagbabantay sa ating seguridad ay ligtas na sa COVID nang magampan nila ang kanilang trabaho,” patuloy niya.
Nitong Sabado, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na may mga sundalo nang naturukan ng COVID-19 vaccine na ginawa ng Chinese firm Sinopharm.
“This must have been made by the soldiers and probably by the commanders kasi hindi naman po ‘yan makakarating sa sundalo kung walang go-signal ng mga commanders and I understand naman this is voluntary, wala pong sapilitan,” anang pangulo.
“It was not mandatory; kung sino lang ‘yung gusto,” dagdag niya.
Hindi pa nabibigyan ng emergency use authorization ng FDA ang Sinopharm, at itinuturing ilegal ang gamot na hindi aprubado ng naturang ahensiya.
Ngunit giit ni Roque, hindi naman ipinagbabawal sa batas ang pagbakuna sa gamot na hindi rehistrado.
“Hindi po ipinagbabawal ang pagturok maski hindi rehistrado, huwag lang ibenta, huwag lang i-distribute,” paliwanag niya.
Una nang sinabi ni Duterte na dapat kasama sa mga unang mabakuhan ng gamot laban sa COVID-19 ang mga pulis at sundalo.
Sa isang panayam sa radyo nitong Lunes, sinabi ni Philippine Army chief Lieutenant General Cirilito Sobejana na kabilang sa mga nakatanggap ng bakuna ay mga official at non-commissioned officers.
Sinabi naman ni Interior Secretary Eduardo Año ilang sundalo, kabilang na ang ilang miyembro ng Presidential Security Group ang nabakunahan din.—FRJ, GMA News