Sumuko ang isang 29-anyos na ama sa mga awtoridad matapos niyang mapatay ang dalawa niyang anak sa Taguig City.
Sa impormasyong ibinigay ni Police Colonel Celso Rodriguez nitong Biyernes, kinilala ang suspek bilang si Aiko Siacunco, residente ng North Signal at walang trabaho.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, unang nagpakamatay ang asawa ni Aiko nitong Huwebes.
Ayon kay Rodriguez, dahil daw gulong-gulo ang suspek kung paano bubuhayin ang kanilang dalawang anak na tatlo at isang-taong gulang pa lamang, nagawa niyang ibigti ang mga ito.
"Kaninang umaga natagpuan at mismong nagturo doon sa kwarto nila ay 'yung suspek kasi nga nakaligtas siya sa kanyang pagbigti," sabi ni Rodriguez sa isang panayam sa GMA News Online.
"Kagabi natagpuan din siyang (ina ng mga bata) nagbigti, nadiscover 'yan... noong nagbigti nga siya, imbes na maglamay 'yung padre de pamilya eh kanina siguro gulong-gulo siya kasi sabi niya hindi niya malaman na kung paano bubuhayin 'yung dalawa," sabi ni Rodriguez.
Matapos magawa ang krimen, nagtangka ring magpakamatay ang suspek pero nakaligtas siya.
"Sumuko siya noong parang nahimasmasan," sabi ni Rodriguez.
Ayon kay Rodriguez, madalas mag-away ang mag-asawa dahil walang trabaho ang suspek at tanging asawa lamang niya, na isang call center agent, ang bumubuhay sa kanila noon.
"Nade-depress na daw sila talagang magasawa, silang magasawa daw talaga... Ang sabi daw ng asawa niya sa kanya, parang sinisisi siya lagi bakit ayaw mong maghanap ng trabaho, parang ganon," sabi ni Rodriguez.
Haharap sa kasong parricide si Siacunco, ayon kay Rodriguez. —LBG, GMA News
Kung kailangan ng makakausap, puwedeng tawagan ang Hopeline, ang 24/7 suicide prevention hotline. (02) 8804-4673; 0917-5584673.