Tiniyak ng Palasyo na uusigin ng batas ang pulis na bumaril sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac, at hindi umano kokonsintihin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ganoong asal ng mga awtoridad.

Inihayag ito ni presidential spokesperson Harry Roque nitong Lunes tungkol sa krimen na ginawa ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca.

“Bakit ho poprotektahan ni Presidente ‘yan, hindi naman po ‘yan service-related. Iyan po ay pribadong bagay. Nagkataon lang pulis siya pero kinakailangan siyang managot,” saad ni Roque sa pulong balitaan.

“Ito po ay tatratuhin na ordinaryong murder cases at iimbestigahan, kakasuhan, lilitisin at paparusahan po natin ang pulis na ‘yan, no ifs, no buts,” pahayag niya.

Binaril at napatay ni Nuezca si Sonya Rufino Gregorio at anak nitong si Frank Anthony nitong Linggo.

Nagtungo si Nuezca sa bahay ng mga biktima matapos makarinig ng putok ng "boga," ang gamit na pampaingay sa Bagong Taon gamit ng PVC pipes.

Ayon sa pulisya, dati nang may hidwaan sina Nuezca at mga biktima dahil sa usapin ng "right of way," na muling naungkat.

Binaril ni Nuezca ng dalawang beses sa ulo ang mag-ina.

Kinalaunan ay sumuko siya sa pulisya ng Rosales, Pangasinan.

Sa isang pahayag, sinabi ng Human Rights Watch deputy Asia director Phil Robertson, na ang insidente ay pagpapakita na “many members of the Philippine police are simply out of control.”

“Countless times, Duterte has excused police misconduct and promised to let them off the hook. Sunday’s killings in Tarlac province are an inevitable result of the Philippine government’s failure to hold erring law enforcers to account,” ayon kay Robertson.

Ipinaalala naman ni Roque sa mga awtoridad ang bilin ni Duterte na gamitin lang ang baril kung nasa peligro ang kanilang buhay sa pagtupad ng tungkulin.

“By and large, talaga naman pong kahanga-hanga po ang ating kapulisan, ang kanilang kapital po sa kanilang hanapbuhay ay kanilang mga buhay,” ani Roque.—FRJ, GMA News