Nasawi ang isang 58-anyos na babae at 63-anyos na kapatid niyang lalaki na isang person with disability (PWD) matapos na masunog ang tinitirahan nilang gusali sa Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, kinilala ang mga biktima na sina Juanita at Silvestre Ramo.
Natagpuan ng mga awtoridad na hindi iniwan ni Juanita ang naka-wheelchair niyang kuya.
"Gusto niyang kunin 'yung kapatid niya, hindi na siya nakababa. Hindi nakalabas 'yung dalawa because of suffocation," ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Nasunog ang limang unit sa gusali at walong pamilya ang naapektuhan ng sunog.
Nasa ikalimang palapag noon ang magkapatid, habang nagsimula naman ang apoy sa ikaapat na palapag sa isang unit na walang tao.
"Sumilip kami sa kabila, nasusunog na 'yung mismong air-con pa lang," ayon sa isang residente.
"'Yun po ay ating titingnan. Marami pong nakatambak na papel sa loob, may gulong na nakatambak sa loob, so ito ay mga necessary things na hindi dapat itambak sa loob ng bahay," sabi ng BFP.
Nagkakahalaga ng P150,000 ang structural damage sa gusali na limang dekada na ang tanda, ayon sa mga residente. -Jamil Santos/MDM, GMA News